Ang Paanyaya ng Islam, Ang Paghamon at Ang Katanungan

Hinango sa Aklat na "Sa Pagdatal ng Katotohanan"

Ang Paanyaya ng Islam

Ang Islam ay ang Relihiyong ipinadala ni Allah para sa sangkatauhan. Ang Relihiyon at pamumuhay nang pagsamba sa iisa at tunay na Diyos, relihiyong sinunod ng mga naunang Propeta (nila Abraham, Moises, Noah, Ismael, Isaac, Jesus atbp.).

Ang Paanyaya ng Islam ay hindi para magbago o magpalit ng paniniwala bagkus pagbalik lamang sa tunay at dalisay na pagsamba sa tunay na Diyos, pagbalik sa pananampalataya na tinuro ng mga Propeta at pag-alis ng pagkilala at pagsamba sa mga diyos-diyosan.

“Sabihin mo: O Angkan ng Kasulatan halina sa mga pangungusap (pahayag) na magkatulad sa pagitan natin, na sambahin si Allah lamang at hindi itambal sa kahit na kanino. At huwag mula sa’tin ang gumawa ng panginoon maliban kay Allah lamang, at kapag sila’y tumanggi, sabihin niyo, sumaksi na kami ay mga Muslim.” KTQ3:64

Pagbalik lamang sa tunay na Relihiyon. Ang Relihiyon ng mga Propetang nauna sa’tin.

“Si Abraham ay hindi Hudyo at ni hindi Kristiyano bagkus isang tunay na Muslim Hanifa (kumikilala at sumasamba sa iisang Diyos) at hindi siya kabilang sa mga Al-Mushrikin ”. KTQ3:67

At paniniwala sa pagiging Propeta ni Jesus
“At dumating ako (Jesus) na pinatunayan ang nauna sa akin na Torah (batas sa panahon ni Moises), at upang ipahintulot sa inyo ang ilan sa mga dating ipinagbawal noon, at ako ay dumating sa inyo ng may malinaw na tanda mula sa inyong Panginoon, kaya’t matakot kay Allah at tumalima (sumunod) sa akin. (50) Katotohanan na si Allah ang akin at inyong Panginoon, ito ang tuwid na landas.” (51)KTQ 3:50-51

Ang lahat ng mga Propeta ni Allah ay dumating na may malinaw na tanda upang ipagdiin sa sangkatauhan ang pagkilala at pagsamba kay Allah. Katulad ni Jesus na Propeta ni Allah na pinadala bilang Sugo sa bayan ng Israel at hindi bilang anak ng Diyos o diyos.

“At gagawin Namin siyang Sugo sa Angkan ng Israel; na sasabihin niya (Jesus): “Ako’y dumating sa inyo na may tanda mula sa inyong Panginoon.” KTQ3:49

“At tandaan sabi ni Allah: O Jesus! Aking ika’y itataas at paglilinawin (na si Jesus ay Sugo ni Allah), doon sa mga hindi naniwala (tumanggi sa kaisahan ni Allah, kumilala kay Jesus bilang diyos o anak ng diyos) at pagiinamin Ko ang mga naniwala (sa Kaisahan ni Allah, Islam, aral ni Muhammad (saws)) sa mga hindi naniwala hanggang sa pagsapit ng Araw ng Paghuhukom. At sila’y magbabalik sa Akin (Allah) at sila’y Aking huhusgahan ayon sa kanila’y dating pinagtalunan”. KTQ3:55

Malinaw ang kalagayan ni Hesus ayon mismo sa nagsugo at may likha sa kanya na si Allah, ang Panginoon.Balikan natin muli ang paanyaya ng Islam sa pagsamba sa iisang Diyos.

Ang Paghamon

“Na kung sinoman ang makipagtalo patungkol sa kanya (kalagayan ni Jesus) pagkatapos na paratingin ang kaalaman (na si Jesus ay hindi anak ng diyos bagkus isang Propeta). Sabihin mo: ‘Halika! Tawagin ang aming mga anak at inyong mga anak, ang aming kababaihan at inyong kababaihan, ang aming mga sarili at inyong mga sarili, at tayo’y magdasal kay Allah (ng taimtim) at hilingin natin na ibagsak niya ang kanyang sumpa sinoman ang sinungaling’” KTQ3:61

Salita ni Allah sa Qur’an, na ipinadala kay Propeta Muhammad  ng dumating sa kanya ang mga Kristiyano at nakipagtalo hinggil sa kalagayan ni Jesus at pagiging Sugo ni Muhammad (saws), at ito ang patuloy na paghamon ng mga Muslim sa mga kababayan nating Kristiyano pagkatapos maiparating sa kanila ang malinaw na tanda at kaalaman. Paghamon hinggil sa kabutihan, paghamon para sa kaligtasan ng ating mga kababayang Kristiyano, paghamon upang mabuksan ang kanilang kaisipan hinggil sa paanyaya ng Islam na kumilala lamang sa nag-iisang Diyos na si Allah at huwag Siyang ipagtambal. Ito ang malinaw na tanda.

Ang Katanungan

“O Angkan ng Kasulatan! Bakit kayo tumanggi sa malinaw na tanda mula kay Allah, na kayo nama’y nakasaksi? (70) O Angkan ng Kasulatan! Bakit niyo hinaluan ang katotohanan gayo’y ito ay nalalaman ninyo?” KTQ (71) 3:70-71

Buksan natin ang ating isipan hinggil sa Panyaya ng Islam. Pag-aralan natin at suriin at bigyan ng pansin ang panawagan ng ating Panginoon.

“Sabihin mo: Kami ay naniniwala kay Allah at sa kanyang ipinadala sa amin, at sa naipadala kay Abraham at Ismael at Isaac at Haqob at sa Al-Asbat (ang 12 na anak ni Haqob) at sa ibinigay kay Moises at Hesus at sa mga Propeta mula sa Panginoon, at hindi namin sila kinilalang magkakaiba, at sa Kanya (Allah) kami ay nagpasakop (Islam) (84) at sinoman ang kumilala ng maliban sa Islam bilang Deen ito’y hindi tatanggapin ni Allah, at sila ang mga talunan sa Huling Araw.”KTQ (85) 3:84-85

Si Allah ang saksi na naiparating namin Ang Paanyaya ng Islam!!!

“Walang sapilitan sa Relihiyon, ang tuwid na landas ay malinaw mula sa kaligawan. Sinuman ang tumalikod sa mga diyos-diyosan at nanampalataya kay Allah (bilang tanging Diyos) gayon, siya ay nakakuha ng matatag na panghahawakan na hindi masisira. Si Allah Ang Nakaririnig at Ang Nakaaalam.” KTQ2:256

Para sa gustong makakuha ng kopya ng buong aklat na ito at iba pang Islamic Tagalog Books ay bisitahin lamang ang website na ito: http://www.islamisip.webs.comat www.angtuwidnalandas.blogspot.com

No comments: